Inamin ng National Police Commission (NAPOLCOM) na isa sa mga kailangang tugunan sa ipinapanukalang restructuring ng Philippine National Police (PNP) ang kakulangan ng 50,000 na mga pulis.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Alberto Bernardo, nadagdagan ang mga posisyon sa PNP kaya’t kapos din sila ng budget para ito ay tugunan.
Sinabi rin ng NAPOLCOM na dapat maisama sa panukalang pagpapalakas sa PNP ang probisyon na mismong ang Pangulo ng bansa ang maggagawad ng promosyon sa ranggo at posisyon ng mga police officers.
Gayunman sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na kung idaraan pa ito sa presidente ay posibleng matagalan ang proseso ng promotion dahil sa dami ng paperworks.
Kasama rin sa panukala ang kilalanin ang mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na mga government employees.
Sa ngayon ay Job Order (JO) lang ang kanilang estado kaya wala silang mga benepisyo at allowance lang ang nakukuha nila.
Sa kasalukuyan, nasa 1,101 ang kadete ng PNP.
Nais ni dela rosa na maging regular na silang empleyado at mabigyan ng sweldo na katumbas ng tinatanggap ng police master sargeant.