Inihahanda ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga Deployable Response Groups (DRGs) at Quick Response Teams (QRTs) sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos region sa paparating na bagyo na tatawigin bilang “Bagyong Betty.”
Iniutos na ni PCG Commandant, CG Admiral Artemio M Abu, kay PCG Officer-in-Charge, CG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr, ang mga District Commanders na siguraduhin ang kahandaan ng mga Coast Guard Stations at Sub-Stations, lalo na sa Hilagang Luzon kung saan inaasahang tatama ang sama ng panahon.
Hinigpitan na rin ng mga Coast Guard personnel ang pag-iinspeksyon sa mga barko, bangka, at iba pang sasakyang pandagat upang masigurong magiging ligtas ang kanilang paglalayag.
Patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga tripulante at mangingisda na tumutok sa pinakahuling lagay ng panahon para maiwasan ang anumang aksidente sa karagatan.
Naka-preposition na rin ang mga (SAR) assets ng PCG para agad na ma-deploy sa oras na makapagtala ng pagbaha sa mga residential areas.
Tiniyak din ni CG Vice Admiral Punzalan Jr, sinailalim narin ang PCG sa disaster preparedness at SAR training para maitaguyod ang kaligtasan ng mga maaapektuhang residente tuwing may masamang panahon.
Tuloy-tuloy din sa koordinasyon ang PCG sa mga LGUs para malaman ang kinakailangan tulong para makapagbigay ng maaasahang serbisyo-publiko.
Handa narin ang mga relief supplies at family packs upang agad na maipamahagi sa mga evacuation centers.
Hiling ni PCG Officer-in-Charge sa mga residente, makiisa sa panawagan ng paglikas bago pa man bumuhos ang malakas na ulan at tumaas ang tubig-baha.
Paliwanag niya, ito ay para hindi na nila maranasan pa ang buwis-buhay na paglikas, gayong ilang araw bago ang inaasahang bagyo ay patuloy ang pagpapaalala ng lokal na pamahalaan ukol dito. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News