Sa pagtalima sa Rabies Awareness Month ngayong Marso, ipinaalala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na pabakunahan ang kanilang mga alaga at agad magpagamot kapag nakagat ng hayop upang maiwasan ang rabies infection at rabies-related injuries, pati na kamatayan.
Sinabi ni PhilHealth Acting President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma na nagsisimula ang pagtugon sa rabies sa pamamagitan ng prevention at tamang pagbabakuna sa mga alagang hayop.
Hindi rin aniya dapat mag-atubili ang publiko na magpadoktor kapag nakagat ng hayop dahil saklaw ng PhilHealth ang pagpapagamot sa animal bites, kaya walang po-problemahing gastos.
Idinagdag ni Ledesma na halos 300 Pilipino ang namatay sa rabies noong nakaraang taon na maari sanang naiwasan kung agad nagpatingin sa doktor ang mga pasyente.