Naniniwala si Sen. Sherwin Gatchalian na nasasalamin ang kabiguan ng Senior High School program sa pag-aaral na 4 lamang sa 10 Pilipino ang kuntento sa programa.
Batay sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ni Gatchalian at isinagawa noong June 19 hanggang 23, 2023, 41% lamang sa 1,200 kalahok sa buong bansa ang nagsabing kuntento sila sa senior high school.
Mas mataas nang bahagya ang mga hindi naman kuntento o 42% samantalang 16% ang hindi tiyak kung kuntento sila o hindi.
Para kay Gatchalian, makikita sa survey ang kabiguan ng programang tuparin ang pangako nitong gawing handa para sa kolehiyo at trabaho ang mga kabataan.
Tinukoy din sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 20% lamang ng mga graduates ng senior high school ang pumapasok sa labor force, samantalang 70% naman ang nagpapatuloy sa kanilang edukasyon.
Lumabas din sa pag-aaral ng PIDS na pagdating sa basic pay, lumalabas na halos walang pinagkaiba ang mga senior high school graduates kung ihahambing sa mga nagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o Grade 10.
Sinabi ni Gatchalian na lumilitaw na ang dagdag na dalawang taon sa high school ay dagdag na gastos lang sa mga magulang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News