dzme1530.ph

Isang linggong tigil pasada ng transport groups, tuloy pa rin

Tuloy pa rin ang isang linggong tigil pasada na inorganisa ng transport groups kahit pinalawig na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga jeepney operator na sumali o bumuo ng kooperatiba hanggang sa December 31, 2023.

Ipinaliwanag ni Mar Valbuena, Chairperson ng transport group na MANIBELA, na lahat ng kanilang pinagpaguran para sa kooperatiba ay nauwi sa wala nang putulin ang consolidation noong 2021.

Ngayon naman aniya ay sasabihan sila na kung nais nilang sumali sa modernisasyon ay kailangan nilang mag-apply sa ilalim ng kooperatiba na dati nang naaprubahan, at ibig sabihin nito ay panibagong gastos na naman sa kanila.

Sa pagtaya ni Valbuena, nasa 40,000 public utility vehicles ang lalahok sa strike na maaring magparalisa sa transport system sa Metro Manila simula sa March 6 hanggang March 12.

Kahapon ay inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na umaasa siyang hindi na itutuloy ng mga grupo ng transportasyon ang isang linggong tigl pasada.

About The Author