dzme1530.ph

Ipinasang Maharlika Investment Fund Bill, kayang tumayo sa Korte

Nanindigan si Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na malulusutan ng inaprubahan nilang Maharlika Investment Fund (MIF) bill maging ang pagbusisi ng Korte Suprema.

Katunayan, maaari pa anyang ipaglaban sa Plaza Miranda ang kanilang MIF bill dahil sa dami ng safeguards na ikinatuwa maging ng Minority Bloc sa Senado.

Sa kabila nito, aminado si Zubiri na kahit gaano kaganda ang kanilang panukala ay mayroon at mayroong kukuwestyon nito sa Korte Suprema.

Kung mangyari anya ito ay tiwala siyang malulusutan ng panukala ang anumang kwestyong ligal.

Samantala, nilinaw ng Senado na pre-bicam lamang at hindi pormal na bicam meeting ang nangyaring pagpupulong kahapon ng mga senador at kongresista para sa panukala.

Ito ay dahil nagdesisyon na agad ang Kamara na i-adopt na buong bersyon ng Senate bill kayat hindi na rin kinailangan ng ratipikasyon ng dalawang kapulungan.

Ipinagtataka naman ito ni Senate Minority Leader Koko Pimentel dahil bago siya umalis sa pulong kahapon ay pinalagda siya sa isang bicam report kung saan inilagay pa niya na siya ay tutol sa panukala. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author