Ipinaliwanag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na ang paghahain ng Murder cases laban kay Suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ang magbibigay daan sa pamahalaan para pormal na humingi ng tulong sa international law enforcement agencies.
Ito aniya ay para mahuli ang kontrobersyal na kongresista saan mang panig ito ng mundo nagtatago, sa sandaling mailabas na ang kanyang warrant of arrest.
Sinabi ni Remulla na kapag sinimulan na ng International Police Organization (INTERPOL) at iba pang law enforcement agencies ang pagtunton ay tiyak na malaki ang magiging epekto nito kay Teves.
Ang Interpol Red Notice ay isang request sa law enforcement sa buong mundo para matunton at maaresto ang isang indibidwal na mayroong pending extradition, surrender, o kahalintulad na legal action.
Una nang inaprubahan ng prosecutors ang pagsasampa ng Multiple Murder laban kay Teves at sa limang iba pa kaugnay ng mga pagpaslang sa Negros Oriental noong 2019. —sa panulat ni Lea Soriano