Kuwestiyonable para kay Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ipinakikitang interest ni Finance Sec. Benjamin Diokno sa pension funds ng Social Security System, Government Security and Insurance System at iba pang ahensya na mayroong pension fund.
Ang pagtataka ni Pimentel ay kasunod ng pahayag ni Diokno na maaari pa ring mag-invest ang SSS, GSIS at iba pang ahensyang may pension fund sa mga proyektong isasakatuparan ng Maharlika Investment Corporation.
Nangangamba si Pimentel na paiikutan ng Department of Finance ang nilalaman ng MIF Bill kung saan nakasaad ang absolute prohibition o ganap na pagbabawal sa pagpapasok ng pension funds ng SSS at GSIS sa Maharlika funds.
Sinabi ni Pimentel na tila pinaglaruan lang ang salitang ginamit makaraang iwasan sa batas ang mga katagang initial capital at additional capital bonds.
Tanong pa ng Senate Minority Leader kung ano ang nais ipakahulugan ni Diokno na maaari pa ring magpondo ang SSS at GSIS sa mga maharlika projects.
Nangangahulugan anya ba ito na magpapahiram o magpapautang ang mga ahensya ng pera o bibili ng bond mula sa Maharlika Investment Corp.
Iginiit ni Pimentel na dapat ay hands off ang gobyerno sa pension funds dahil ito ay private funds ng mga miyembro ng SSS at GSIS. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News