Aminado si Sen. Christopher ‘Bong’ Go na may pagkakataon na hindi makontrol ang ingay ng mga senador sa plenaryo sa gitna ng deliberasyon sa ilang panukala.
Gayunman, sinabi ni Go na hindi naman ito nangangahulugan ng kawalan na ng decorum sa Senado.
Sinabi ni Go na sadyang passionate lamang ang mga senador at mataas lamang din ang kanilang productive energy kaya’t minsan ay napapansing maingay sa session hall.
Nirerespeto naman ng senador ang opinyon at puna ng mga dating beteranong mambabatas kasabay ng pagtiyak na hindi naman nagpapabaya ang liderato ng Mataas na Kapulungan sa paulit-ulit na paalala sa mga mambabatas kaugnay sa tamang mga gawi at pananalita sa loob ng plenaryo.
Sinabi ni Go na sa pagbabalik ng sesyon ay irerekomenda niyang mag-tonedown ang mga senador upang maiwasan ang ingay.
Sa panig naman ni Senador Ronald Bato dela Rosa, aminado siyang minsan ay hindi niya naiiwasan ang malakas na hagalpak na tawa sa session hall na kadalasan anyang pinuna ni Senador Pia Cayetano.
Kaya naman anya sa susunod sisikapin nyang takpan ang kanyang bibig kapag tatawa at titiyaking wala itong tunog. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News