dzme1530.ph

Information dissemination campaign sa bomb joke sa mga paliparan, aircraft, pinaigting ng PNP aviation at local airlines

Mas pinaigting pa ng PNP Aviation Security Group at local airlines ang malawakang information dissemination campaign sa publiko para paalalahanan silang wag gumawa ng mga biro na magdudulot ng pagkaalarma sa Airport at loob ng sasakyang panghimpapawid tulad ng bomb threat o bomb jokes.

Ayon kay PNP-Avsec Director Gen. Jack Wanky, sa naging pagpupulong sa Civil Aeronautics Board, kasama ang mga airlines napagkasunduan ang naturang kampanya hinggil sa lumalabas na problema ng incident ng bomb jokes at ang resulta ng domino effect sa pagkakaantala ng maraming flight.

Sinabi ni PNP Aviation security group Investigation Col Gary Reyes, base sa record noong nakaraang taon 2023 ay nakapagtala ang PNP Avsec ng 8 report na bomb joke at nitong Enero 2024, nakatanggap na ang PNP ng 3 bomb jokes incidents sa iba’t ibang paliparan kabilang na sa airport sa mga lalawigan.

Binigyan diin ng PNP AVSE Group na ang bomb joke ay nagdudulot ng matinding epekto sa mga papaalis at paparating ng flight kung saan mabigat na parusa ang kakaharapin ng sinumang may gumawa nito.

Mahaharap ang sinumang individual sa mga kaso sa ilalim ng Presidential Decree 1727, o kilala din bilang Anti-Bomb Joke Law.

Ang batas na ito ay ginawa upang pigilan ang mga indibidwal na gumawa ng mga maling pagbabanta o biro ng bomba, na magdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko at seguridad sa sector ng aviation. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author