Bahagyang bumagal ang inflation o ang bilis ng paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa noong nakaraang buwan.
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 7.6% ang consumer price index noong March 2023.
Mas mababa ito kumpara sa 8.6% na naitala naman noong February.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ito ay bunsod ng mabagal rin na paggalaw ng presyo ng food and non-alcoholic beverages sa 9.3% mula sa 10.8% noong Pebrero.
Kasama rin sa mga dahilan ay ang transportation, 5.3% mula sa 9%; housing, tubig, kuryente, gas at iba pang petrolyo, 7.6% galing sa 8.6%.
Matatandaang sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong katapusan ng buwan ng Marso, posibleng umabot sa 7.4% hanggang 8.2% ang inflation. —sa panulat ni Jam Tarrayo