dzme1530.ph

Implementasyon ng libreng tertiary education, dapat masilip

Aminado si Senate Majority Leader Joel Villanueva na kailangan nang malaman ng kongreso ang naging takbo ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa loob ng limang taong implementasyon nito.

Sinabi ni Villanueva na dapat matukoy kung nakatulong ang batas sa pagpapalawig ng access sa de-kalidad na edukasyon sa kolehiyo.

Idinagdag ng senador na kailangan ding malaman ng mga mambabatas kung may pagkukulang pa sa batas at kinakailangang amyendahan.

Ang reaksyon ni Villanueva ay kasunod ng mga  ulat na maraming anak ng mga mayayamang pamilya ang nakikinabang din sa libreng tertiary education na dapat sana ay para sa mga kwalipikadong mahihirap.

Una nang sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na kadalasan, nagaganap ito sa University of the Philippines kaya may mga nagpapanukala na ibalik na ang dating sistema sa Unibersidad kung saan pinagbabayad ang mga mayayaman.

Sinabi ni Villanueva na ang edukasyon ang susi sa pag-unlad ng lipunan kayat dapat tiyakin na handa ang mga graduates na makilahok sa ating labor force na may karampatang kaalaman, lalo na sa mga in-demand at core skills na kailangan ng industriya.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author