Tuloy na ang pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms kaugnay sa sinasabing suhulan kapalit ng pirma para sa People’s Initiative para sa Charter change.
Ayon kay Committee chairperson Sen. Imee Marcos, sisimulan nila ang pagdinig sa Martes kung saan inimbitahan nila ang mga constitutionalist, mga NGO at maging ang mga posibleng mga testigo sa sinasabing panunuhol.
Ang pangamba nga lamang ng senadora ay mag-atrasan ang ibang mga testigo sa takot na mapag-initan sila.
Bukas din anya ang pagdinig sa mga kongresistang nais dumalo at maging kay House Speaker Martin Romualdez na naituturong nasa likod ng People’s Initiative.
Nang tanungin kung kumbinsido siyang may kinalaman ang kanyang pinsan na si Romualdez sa gumugulong na PI, sinabi ni Marcos na lahat ng mga sinasabing direktiba, timeline at mga atas ay nagmula sa tanggapan nito kung saan pinangalanan pa ang kanyang mga staff.
Aminado si Marcos na hanggang ngayon ay litong-lito sila sa hakbang ng Kamara matapos maglabas din ng sulat si Romualdez na sumusuporta sa Resolution of Both Houses 6 para sa pagsusulong ng pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon subalit sumusupporta rin sa P.I.
Nanindigan ang senador na buo at nagkakaisa ang Senado bilang isang institusyon na tutol sa paggamit ng panunuhol para makapangalap ng pirma para sa PI sa pagsusulong ng Cha-cha. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News