Tuloy pa rin ang ikinasang pagsisiyasat ni Senador Imee Marcos kaugnay sa isyu ng panunuhol kapalit ng lagda sa People’s Initiative para sa Charter Change.
Ayon kay Marcos, walang atrasan ang kanyang hearing upang matukoy ang nasa likod ng sinabing vote buying sa People’s Initiative.
Kasabay nito, umapela ang senadora sa media networks na tumulong sa pagko-compile ng mga video, larawan at iba pang ebidensya sa sinasabing suhulan.
Ang pagpapatuloy ng hearing ay sa kabila ng paniniwala rin ni Marcos na titigilan na ang pagsusulong ng People’s Initiative matapos pangunahan na mismo ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang resolution para sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Sinabi ng mambabatas na ito ang mas tamang aksyon para sa isinusulong na pagbabago sa economic provisions na hindi pa gagastos ng P14 billion.
Sa pamamagitan anya ng public hearings, discussions at debates sa isyu ay mas magiging maliwanag sa taumbayan ang mga pagbabago na kinalaunan ay kanila ring aaprubahan sa pamamagitan ng plebesito.
Gayunman, dapat pa rin anyang maging vigilante ang lahat upang matiyak na walang ibang agenda na maisisingit sa isinusulong na pag-amyenda sa saligang batas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News