dzme1530.ph

Imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Gov. Roel Degamo at iba pang political killings sa Negros Oriental, tinapos na ng senado

Matapos ang limang pagdinig, inadjourn na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang investigation in aid of legislation sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pang political killings.

Sinabi ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hinihintay na lamang nila ang  isusumiteng affidavit ng ibang testigo na hindi nakaharap sa pagdinig bago balangkasin ang comittee report na maglalaman ng kanilang mga rekomendasyon.

Sa mga pagdinig ay binigyang pagkakaton ng senador na makapagsalita ang lahat ng mga indibidwal na may kanya-kanya ring reklamo sa peace and order situation sa lalawigan.

Kabuuang 80 testigo ang humarap kasama ang mga tagasuporta ni Degamo gayundin ang mga nasa panig ni suspended Cong. Arnolfo Teves na itinuturong mastermind sa pagpatay sa gobernador.

Sa pagdinig ay nagpalitan ng iba’t ibang akusasyon ang dalawang panig na umabot pa sa batuhan ng mga personal na bagay.

May nag-ungkat din ng ilang mga personal na bagay laban sa napaslang na gobernador subalit inawat na ni dela Rosa dahil hindi na ito makakadipensa.

Tuluyan ding hindi nakadalo sa mga pagdinig kahit virtually si Teves dahil hindi ito pinayagan ng mga senador.

Sa kabila nito, tiniyak ni dela Rosa na makukumpleto pa rin nila ang kanilang committee report na ibabatay sa lahat ng mga nakalap nilang mga testimonya at ebidensya.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

 

About The Author