Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court ang dalawang kasong isinampa laban sa veteran broadcaster na si Jay Sonza.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson, Jail Inspector Jayrex Joseph Bustinera, dinismis “Provisonally” ng Quezon City RTC Branch 100 ang Syndicated at Large-scale Illegal Recruitment na inihain laban kay Sonza bunsod ng kabiguan ng mga complainant na dumalo sa hearings.
Ganito rin aniya ang desisyon ng Quezon City RTC Branch 215 sa kasong illegal recruitment case laban sa veteran broadcaster.
Ipinaliwanag ni Bustinera na ang ibig sabihin ng provisionally dismissed ay maaring buhayin ang kaso sa loob ng dalawang taon kung mayroong bagong ebidensya o dahilan para muli itong buksan.
Gayunman, mananatili pa rin si Sonza sa kulungan bunsod ng mga nakabinbing kaso sa Korte, gaya ng 11 Counts of Estafa sa Quezon City RTC Branch 100 at Libel sa Quezon City RTC Branch 77.
Kasalukuyang nakakulong si Sonza sa Quezon City Jail-Ligtas COVID Center Quarantine Facility sa Payatas. —sa panulat ni Lea Soriano