Nadagdagan pa ang bilang ng mga probinsya na walang suplay ng kuryente dahil sa hagupit ng bagyong Egay.
Sa datos ng National Grid Corp. of the Phil. kaninang alas-7 ng umaga, apektado na ng kalamidad ang ilang transmission lines nito sa Aurora, Abra, Cagayan, Benguet, at Nueva Ecija.
Kabilang dito ang Lal-Lo-Sta.Ana kv line at Tuguegarao-Magapit 69 kv line na nagseserbisyo sa Cagayan Electric Coop. I at II; San Esteban-Bangued 69kv line na nagsusuplay sa buong Abra.
Gayundin ang Itogon-Ampucao 23kv line at La Trinidad-Ampucao 69kv line na nagsusuplay sa ilang bahagi ng Baguio City; Itogon, Tuba, Benguet, at maging sa ilang lugar sa Pangasinan; at ang transmission line sa Cabanatuan-San Luis 69kv line.
Sinabi naman ng NGCP na patuloy sila sa pagpapadala ng line crews para inspeksyunin at i-assess ang impact ng bagyo sa kanilang pasilidad.
Agad din anilang ikakasa ang restoration ng mga linya sa oras na humupa na ang masamang panahon. —sa panulat ni Airiam Sancho