dzme1530.ph

Ilang iregularidad sa DENR, pinuna sa deliberasyon ng kanilang budget

Pinuna ni Sen. Raffy Tulfo ang ilang mga iregularidad na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources.

Inakusahan ni Tulfo ang ilang tauhan at opisyal ng DENR na may katiwalian sa pagsasagawa ng Cadastral Survey Program o ang systematic survey ng isang Munisipalidad para matukoy ang claim ng mga land owners na magagamit na batayan sa titulo o patents.

Sinabi ni Tulfo na bago ma-aprubahan ng DENR ang survey ng contractor, kailangan itong lagdaan ng opisyal ng DENR kung saan nagkakaroon na ng bayaran na hanggang 30% commission.

Iginiit ni Tulfo na hindi mangyayari ito kung may nakatalagang supervisor ang DENR sa ground para i-monitor ang mga proseso.

Sinita rin ni Tulfo ang madalas na foreign trips ni Environment Sec. Maria Antonia Yulo-Loyazaga na tinawag niyang jetsetter.

Sa impormasyon ng senador, umabot na sa 13 hanggang 14 ang byahe ng kalihim simula nang ito ay maitalaga sa posisyon.

Sa ilalim anya ng 2023 budget ng ahensya, mayroong P1.1 billion ang Office of the Secretary para sa foreign trips habang P1.173 billion sa ilalim ng proposed 2024 budget.

Ikinatwiran naman ni Senador Cynthia Villar, sponsor ng panukalang budget ng DENR na ilang sa mga foreign trips ng kalihim ay personal habang nag iba ay ministerial level conferences. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author