Humarap sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children and Family Relations ang ilan pang sinasabing nabiktima ng pang-aabuso umano ni Pastor Quiboloy.
Sa pagdinig ng kumite sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros, emosyonal at detalyadong isinalaysay ni alyas Amanda ang naging karanasan nya noong siya ay maging miyembro siya ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay alyas Amanda, nagsimula siyang maging miyembro ng KJC noong siya ay 10 taong gulang pa lamang kung saan siya naatasang mamalimos at magbenta ng kung anu-ano.
Makalipas anya ng ilang taon ay nahikayat si Amanda na maging scholar ng KJC at naging Pastoral ni Quiboloy.
Bilang pastoral anya ay naatasan siyang magmasahe hanggang sa pagsamantalahan na ni Quiboloy hanggang hindi na niya makayanan ay nagpasaklolo na sya sa kanyang ina upang maialis sa KJC.
Kapalit naman anya pag-alis niya sa KJC ay inipit ang kanyang mga dokumento sa paraalan dahilan kaya’t hindi rin siya makapag-aral.
Aminado si Amanda na hangggang ngayon ay traumatic sa kanya ang pangyayari.
Kahalintulad na salaysay din ang ibinahagi ng dalawang Ukrainian na babae na sina alyas Sofia at nina na nabiktima rin umano ng pang-aabuso ni Quiboloy habang sila ay nasa Davao.
Samantala, dahil sa pang-iisnab ni Quiboloy sa pagdinig sa kabila ng dalawang imbitasyon, nagpapsya ang kumite na isyuhan na ito ng subpoena.
Kinumpirma naman ni Hontiveros na nagpadala ng sulat si Quiboloy subalit hindi naka-address sa kumite kundi kay Senate President Juan Miguel Zubiri. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News