Nakatakdang magsagawa ng pagdinig at konsultasyon simula ngayong araw hanggang sa susunod na buwan ang iba’t ibang Regional Wage Boards sa bansa kaugnay sa hirit na dagdag-sahod para sa mga manggagawa.
Kabilang sa magdaraos ng public hearing ang Cagayan Valley, Pangasinan, La Union at Central Luzon wage boards.
Ito’y upang pag-usapan ang panawagan ng mga manggagawa sa pribadong sektor, maging ang mga kasambahay na magkaroon ng minimum wage adjustment o dagdag sa kanilang suweldo.
Nabatid na pangunahing tatalakayin sa pampublikong pagdinig ang hirit na itaas sa P1,100 ang daily minimim wage ng mga empleyado.
Matatandaang may mga grupo at unyon na rin ang naghain ng mga petisyon para sa umento sa sahod dahil sa mabigat na gastusin buhat ng mahal na bilihin, patuloy na taas-presyo ng mga produktong petrolyo, serbisyo at iba pa.