Iginiit ng Department of Defense (DND) na hindi dapat makialam ang ibang bansa sa mga ginagawa ng Pilipinas sa teritoryo nito.
Ayon kay Defense Sec. Gilbert Teodoro, lahat ng bansa ay nagtatayo ng sariling base militar at hindi ito kinukwestyon ng Pilipinas, maliban na lang kung itinayo ito sa pinag-aagawang teritoryo.
Paglilinaw ng kalihim, ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site ay binuo para maging pangunahing base ng Pilipinas na tututok sa seguridad ng bansa.
Gagamitin lang aniya ito ng Estados Unidos para sa “Logistics”.
Dagdag pa ni Teodoro, ipinagbabawal sa ilalim ng Philippine Constitution ang paglulunsad ng giyera laban sa ibang bansa.
Kaya kung “paranoid” aniya ang ibang mga bansa sa posibleng paggagamitan ng mga base, ay hindi na yun problema ng Pilipinas.
Nabatid na nagpahayag ng pagkabahala si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kaugnay sa apat na karagdagang EDCA sites na gagamitin ng US para makialam sa sitwasyon sa Taiwan. —sa panulat ni Jam Tarrayo