dzme1530.ph

Iba pang protected areas sa bansa, nais silipin at suriin ng isang Senador

Nais ni Sen. Nancy Binay na masilip at masuri ang iba pang mga protected areas sa bansa na tinayuan din ng imprastraktura tulad sa Chocolate Hills sa Bohol.

Ayon kay Binay, Chairperson ng Senate Committee on Tourism, pinag-aaralan niya ang paghahain ng hiwalay na resolusyon para maimbestigahan na rin ang lahat ng mga protected areas na may mga itinayong imprastraktura.

Maganda anyang silipin ang ginagawa ng ibang bansa sa kanilang mga protected areas tulad ng paglalaan ng lugar para mag-camping, magpark ng sasakyan, maghiking at iba pa.

Sinabi ng senadora na ginagawa ang ganito sa ibang bansa dahil hindi maiaalis na bisitahin ng mga tao ang mga protected areas.

Matatandaang bukod sa Captain’s Peak Resort sa bayan ng Sagbayan sa Bohol ay natuklasan din ang iba pang imprastraktura na itinayo sa ibang bayan na nakakasakop din sa Chocolate Hills.

Tinukoy din ni Binay ang ibang protected area tulad ng Masungi Georeserve na may banta rin na pagtayuan ng wind farm project gayundin ang paglabag ng Socorro Bayanihan Services Inc. na nakabuo na ng komunidad sa loob ng 300 ektaryang protected area sa Surigao del Norte.

About The Author