Hindi makontak ang hotline ng China nang mangyari ang pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard sa isang barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ang dismayadong pahayag ni Department of Foreign Affairs Usec. Theresa Lazaro kung kayat agad niyang pinatawag si Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian.
Ayon sa opisyal, ilang oras nilang sinusubukang kontakin ang China gamit ang hotline sa pagitan ng dalawang bansa sa gitna water cannon incident.
Ang naturang joint communication mechanism ng China at Pilipinas ay binuksan sa state visit ni Pangulong Marcos sa China noong Enero, sa pulong nila ni Chinese President Xi Jinping.
Layunin ng Government to Government hotline na ito na mapangasiwaan ang maritime emergencies at unplanned encounters sa pinag-aagawang teritoryo.
Samantala, umaasa naman ani Lazaro ang Pilipinas na tutugunan ng panig ng China ang insidente nang may sense of urgency. —sa panulat ni Jam Tarrayo