Panahon na para magsagawa ng Honest to Goodness review sa ipinatutupad na K-12 program ng Department of Education.
Ito, ayon kay Senador Grace Poe kasabay ng panawagan ng pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagtugon sa kakulangan ng kahandaan ng mga pinoy graduates paghahanap ng mapapasukang trabaho.
Reaksyon din ito ng senador sa inilabas na situational report ng Commission on Human Rights (CHR) na hirap makahanap ng trabaho ang mga nagsipagtapos nitong panahon ng pandemya dahil sa kakulangan ng soft at practical job skills.
Sinabi ni Poe na dapat ma-evaluate nang husto ang K -to- 12 program upang makita kung epektibo ba ito sa mga estudyante at matugunan ang pangangailangan pa para sa de kalidad na edukasyon.
Dapat din anyang pag-aralang mabuti ng Department of Education (DepEd) at ng Commission on Higher Education (CHED) kung anong mga kurso ang tugma sa pangangailangan ng labor market sa kasalukuyan.
Umaasa si Poe na bibigyang prayoridad ng mga ahensya ng gobyerno ang review na makakatulong din sa hiwalay na Assessment ng Joint Congressional Oversight Committee on the K to 12 Program. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News