Tinutulan ng kampo ni detained former Senator Leila de Lima ang hirit ng prosekusyon na buksan muli ng Korte sa Muntinlupa ang isa sa drug cases ng dating mambabatas.
Sa limang pahinang opposition na inihain sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204, binigyang diin ng kampo ni de Lima na nagkasundo na ang prosekusyon at ang depensa na tapusin na ang proceedings at isumite na ang kaso para sa resolusyon.
Mahigit isang buwan na rin anila ang lumipas sa pagitan ng termination ng pagpiprisinta ng ebidensya para kay Ronnie Dayan, ang driver ng dating senadora, noong March 10 at hearing noong April 17.
Iginiit din ng kampo ni de Lima na walang katibayan na ang presentasyon ng karagdagang ebidensya, kabilang na ang testimonya ni Atty. Demiteer Huerta ng Public Attorney’s Office ay mahalaga.