dzme1530.ph

Nasa 26 patay sa paglubog ng bangka sa Binangonan, Rizal

Hindi bababa sa 26 ang patay habang 40 iba pa ang nasagip matapos lumubog ang isang pampasaherong bangka sa Laguna Lake sa bahagi ng Binangonan, Rizal, ayon sa Philippine Coast Guard.

Nabatid na nasa 70 pasahero at tripulante ang lulan ng motor banca na Princess Arya na nasa 60 lang ang kapasidad, nang bumaliktad ito, pasado ala-1 ng hapon, kahapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Port of Binangonan ang bangka at patungong Talim Island nang hambalusin ito ng malakas na hangin.

Ayon kay Balilo, nag-panic ang mga pasahero at lumipat sa kaliwang bahagi dahilan para tumagilid ang bangka.

Ayon sa mga na-rescue na pasahero, may lifevest naman sa bangka ngunit hindi ito nagamit.

Idinagdag ng PCG official na iimbestigahan din nila kung bakit walang suot na life jacket ang mga pasahero.

Pinayagang maglayag ang M/B Princess Arya, dahil wala nang nakataas na storm signal bunsod ng bagyong Egay.

About The Author