dzme1530.ph

Hiling na proteksyon laban sa mga may pansariling interes sa pagsusulong ng Chacha, idinaan na sa dasal ng isang senador

Hindi na napigilan ni Senador Cynthia Villar na idaan sa dasal ang kanyang panawagang maprotektahan ang bansa laban sa mga nagsusulong ng pansariling interes sa Charter change.

Sa pinangunahang prayer ni Villar sa pagbubukas ng sesyon ng Senado ngayong 2024, hiniling ng senadora na magkaroon ng tapang at maayos na pag-iisip ang mga mambabatas sa pagtalakay sa charter change.

Hiling niya na anumang magiging desisyon ng Kongreso ay magpapakita ng tunay na boses ng taumbayan, mapanatili ang integridad ng konstitusyon at mapalakas pa ang checks and balances sa sistema ng pamahalaan.

Manaig nawa anya ang transparency at true representation sa pagbibigay proteksyon sa bansa laban sa self-interest at ambisyon ng iilan.

Ipinagdasal din ng senadora na magkaroon ng sapat na kakayahan at kaalaman ang lahat para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan at solusyunan ang mataas na presyo ng mga bilihin, kakulangan ng trabaho, maliit na sahod at suporta sa mga magsasaka.

Humiling din ang mambabatas ng gabay sa paglaban sa katiwalian, solusyunan ang kahirapan, labanan ang krimen at palakasin ang kalidad ng edukasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author