dzme1530.ph

Hiling na imbestigasyon sa bakbakan sa Datu Paglas, Maguindanao, iniatras

Binawi ni Sen. Robin Padilla ang inihain nitong resolusyon na nananawagan ng senate inquiry sa bakbakan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Datu Paglas, Maguindanao del Sur noong June 18.

Ginawa ito ni Padilla matapos ang kanyang pakikipag-ugnayan at pakikipagpulong kay Presidential Adviser on Peace, Reconcillation and Unity (OPAPRU) Carlito Galvez Jr..

Ibinahagi ng senador na sa pagpupulong ay sinabi sa kanya ni Galvez ang positibong tugon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mungkahi ng Central Committee ng MILF na agarang magsagawa ng walang kinikilingan, tapat at patas na imbestigasyon sa nangyari na gagawin ng isang third-party investigator.

Inatasan na aniya ni Pangulong Marcos ang Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng hiwalay at patas na imbestigasyon tungkol dito.

Umaasa rin ang mambabatas na mapag-uusapan ang isyu sa nakatakdang pagpupulong ng implementing panel ng pamahalaan at MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at ang Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) sa unang linggo ng Hulyo.

Dahil dito, nais munang bigyang-daan ni Padilla ang pag-usad ng imbestigasyon na ikakasa ng executive department. Nanawagan naman ang senador sa Bangsamoro Human Rights Commission na makiisa sa pagtutok at pagpatnubay sa imbestigasyon. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author