Kinumpirma ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na iniatras na nila ang hinihinging P650 million na confidential fund ng Office of the Vice President at ng Department of Education para sa susunod na taon.
Sa ambush interview matapos ang deliberasyon sa proposed 2024 budget ng OVP, ipinaliwanag ni Usec. Michael Poa, tumatayong tagapagsalita ni VP Duterte, na nagiging dahilan ng pagkakahati-hati ang isyu kaya’t hindi na ipupursige ang paghingi ng pondo.
Sa deliberasyon sa panukalang P1.87 billion na proposed 2024 budget sa Office of the Vice President, kinumpirma rin ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na mula sa P2.37 billion sa National Expenditure Program ay binawasan ng P469 million ang panukalang pondo.
Sa gitna ito ng pagkuwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pinakamalaking budget ng OVP sa kasaysayan.
Pinuna rin ni Pimentel na ilan sa mga programa pa ng Vice President na sinasabing pinaglaanan ng pondo ay mistulang duplication lamang.
Sa deliberasyon naman ni Senador Risa Hontiveros, tinutukan nito ang isyu ng paggastos ng OVP ng P125 million confidential fund na nagmula sa contingent fund ng Office of the President.
Nagtataka kasi si Hontiveros kung paano naubos ang P125 million sa loob ng 11 araw kung may nakalaan din namang pondo ang mga programa ng OVP.
Matapos naman ang pagtatanong nina Pimentel at Hontiveros, inaprubahan na ng Senado sa plenaryo ang budget ng Office of the Vice President. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News