dzme1530.ph

Higit P55.3-M illegal na droga nasabat ng Customs at PDEA sa isang Liberian national na NAIA T3 mula Doha Qatar

Tinatayang aabot sa higit P55.3-M halaga ng illegal na droga ang nasabat ng Bureau of Customs at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) PDEA-IADITG sa isang dayuhang pasahero sa NAIA Terminal 3 mula Doha, Qatar.

Sa initial report ng NAIA PDEA dumating ang pasaherong kinilalang si PHILIP C CAMPBELL, Liberian national, 34 years old, isang mechanical engineer, sakay ng Qatar Airways Flight QR 934.

Nadiskobre ng customs at PDEA ang 15 improvised pouches na naglalaman ng 8.1 kgs na hinihinalang shabu mula sa dalawang checked-in baggage ng suspek na may street value na aabot sa P55,338,400.00 ang halaga nito.

Ang mga improvised pouches kung saan nakalagay ang illegal drugs, ay nakabalot ng mga tuyong maliliit na hipon, daing at condiments upang hindi ito ma-detect sa initial inspection.

Subalit hindi ito nakalusot sa final at physical examination ng customs examiners matapos itong dumaan sa X-ray machine.

Nabatid na ang port of origin ng suspek ay sa Lagos, Nigeria via Qatar Airways Flight QR 1406 bago sumakay ng connecting flight nito patungong Manila.

Naitimbre na rin sa Bureau of Immigration ang nasabing pasahero mula sa pinanggalingan nitong bansa kaugnay ng dala nitong illegal drugs.

Kaya’t inabangan na ito ng mga operatiba ng Customs at PDEA, dahilan ng pagkakaaresto sa nasabing dayuhan. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author