Umabot sa 148 truck ng basura ang nakolekta mula sa mga lugar kung saan nagtipon-tipon ang mga deboto matapos ang kapistahan ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Manila City Spokesperson Princess Abante, 407 metric tons ng mga basura ang nakolekta ng Department of Public Service ng lungsod simula Jan. 6 hanggang kaninang alas-8 ng umaga.
Sa mismong araw ng Pista ng Nazareno, kahapon, sinabi ni Abante na 128 metric tons ng basura ang nahakot ng 46 na truck mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa mga kalsada patungo sa simbahan ng Quiapo.
Sa monitoring naman ng environmental group na EcoWaste Coalition, kabilang sa mga kalat na iniwan ng mga deboto malapit sa Quirino Grandstand, ay mga pinagkainan, plastic bottles, at iba pang single-use plastics. —sa panulat ni Lea Soriano