Sumampa na sa mahigit P3.88-B ang halaga ng pinsalang dulot ng oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa tinatayang halaga ng pinsala ang pagkalugi sa produksyon ng humigit-kumulang 24,000 mangingisda at magsasaka.
Ito’y makaraang utusan ang mga ito na huwag munang pumalaot habang nagpapatuloy ang paglilinis ng oil spill.
Sa datos, nasa P3.75-B na ang halaga ng pinsala sa MIMAROPA, habang ang iba’y naitala sa CALABARZON at Western Visayas, kung saan umabot sa 40,897 pamilya o 193,436 indibidwal ang apektado ng tumagas na langis.