Pumalo na sa P104 million ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura ng pag-aalburuto ng bulkang Kanlaon, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD Spokesperson Director Edgar Posadas, batay sa report ng Department of Agriculture (DA), pinakanapinsala nang pagsabog ng bulkan ay ang mga pananim na carrots, sibuyas, bawang, kalabasa at ampalaya sa Western at Central Visayas.
Apektado rin ang iba pang mga produktong pang-agrikultura gaya ng palay at mais, gayundin ang livestock o alagang hayop kabilang ang manok.
Sa datos ng DA, mayroong 118 alagang hayop ang naiulat na nasawi sa region 6 at 7, kabilang dito ang baka, kalabaw, kambing, kabayo at baboy.
Sinabi naman ng OCD official na sa ngayon, nakapamahagi na ng P11.3 million na ayuda ang pamahalaan sa mga apektadong magsasaka.