Umakyat na sa P375 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura kasunod ng pananalasa ng bagyong Goring.
Ayon sa Department of Agriculture, kumpara ito sa P189.1 million na unang iniulat ng ahensya noong Miyerkules.
Sa latest bulletin ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, 8,483 na mga magsasaka mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at Western Visayas ang naapektuhan ng bagyo.
Nakapagtala rin ang ahensya ng production loss na 15,856 metric tons mula sa 16,145 na ektaryang taniman ng palay, mais, at high-value crops. —sa panulat ni Lea Soriano