Tinutulan ng grupo ng mga mangingisda sa Pag-asa Island ang plano ng Militar na sanayin sila para maging bahagi ng reserve forces, sa gitna ng patuloy na pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Pag-asa Island Fisherfolk Association President Larry Hugo na sapat lang sa kanila na i-report sa mga otoridad ang anumang untoward incident sa lugar, kasabay ng pagbibigay diin na hindi sila hahawak ng armas.
Ayon kay Hugo, ang kanilang grupo ay nag-o-operate ng 36 na bangkang pangisda sa katubigan ng Pag-asa.
Sa Press Briefing sa Palawan, kahapon, inihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na pinag-aaralan nila na maglagay ng maritime militia sa West Philippine Sea upang palakasin ang kanilang presensya sa lugar. —sa panulat ni Lea Soriano