Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad ng pagkuha sa serbisyo ng ibang ahensya ng Pamahalaan upang masolusyunan ang kakapusan sa suplay ng mga plastic card na ginagamit sa mga driver’s license.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista, nakikipag-ugnayan na sila sa National Printing Office para tumulong sa kanila bunsod ng teknikal na kapabilidad nito sa pagsuplay ng mga license card.
Inihalintulad ni Bautista sa proseso ng bidding para sa pagbili ng mga lisensya ng mga tsuper ang pagkomisyon sa NPO para tugunan ang agarang pangangailangan dito.
Maliban sa NPO, sinabi rin ni Bautista na makikipag-ugnayan din sila sa APO Production Unit kaugnay ng usapin.
Batay sa umiiral na mga batas at regulasyon, kailangan ng Central Bids and Awards Committee (BAC) ng karagdagang detalye bago isapinal ang “agency-to-agency arrangement” sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement.
Kasalukuyang mayroong “competitive bidding” para sa mga license cards at nagtakda na rin ng deadline sa pagsusumite maging sa opening bids sa Mayo a-24 ng taong kasalukuyan.
Samantala, kasalukuyang tinutugunan ng Bids and Awards Committee ang natatanggap nilang mga isyu at komento mula sa mga “prospective bidders” ukol sa Terms of Reference (TOR) na isinumite ng Land Transportation Office (LTO) noong Marso a-21. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News