Pinakikilos ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga ahensya ng gobyerno upang masawata ang banta ng Artificial Intelligence (AI) na nagpapalala ng mga kaso ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) sa bansa.
Ito ay makaraang magbabala si Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Angelo Tapales na nagagamit na ang AI sa mga malalaswang larawan na ikinakalat sa iba’t ibang platform.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang natatanggap na report ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center ng mga insidenteng ito na nagkalat ngayon sa iba’t ibang bansa.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na habang patuloy na nagiging moderno ang teknolohiya, nakaka-alarmang patuloy din na nakakahanap ng mga makabagong paraan ang mga nais mang-abuso ng mga kabataan.
Mahalaga anyang tugunan ang mga bantang ito at tiyaking sinumang gumagamit sa internet o teknolohiya upang abusuhin ang ating kabataan ay mananagot sa batas.
Kasabay nito, nanawagan din ang Senador sa mga magulang na bantayan nang maigi ang kanilang mga anak sa paggamit ng mga gadgets, lalo na’t maaaring maging daan ito upang makuha ang kanilang mga larawan at magamit sa iba’t ibang paraan ng karahasan at pang-aabuso. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News