Target ng gobyerno na magtayo ng mas maraming multi-specialty hospitals sa labas ng Metro Manila upang mapabilis pa ang access sa serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Dept. of Health Sec. Ted Herbosa, ito ang sinabi ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa kaniya noong siya ay italaga bilang kalihim.
Binigyang-diin aniya ng Punong Ehekutibo ang pangangailangan na magkaroon ng healthcare access ang mga mahihirap at ang nasa remote areas dahil bahagi ng kanilang ipinatutupad ang pagbalangkas ng pagbabago sa heatlh system.
Dagdag pa ni Herbosa, nakahandang tumulong ang pribadong sektor sa kagawaran na mag-implementa ng mga reporma.
Nabatid na ang multi-specialty center na kasalukuyang itinatayo sa Clark, Pampanga, ay ang kauna-unahan na binuo gamit ang pondong mula sa DOH at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at iba pang pribadong donasyon.
Susundan ang nasabing center ng konstruksyon ng Children’s Hospital, Heart Center, at Cancer Center, na itatatag din sa 17 rehiyon sa bansa. —sa panulat ni Airiam Sancho