Dapat maging maingat ang gobyerno sa panukalang pagsasanib ng LandBank at ng Development Bank of the Philippines.
Ito ayon kay Sen. Risa Hontiveros ay dahil kapag pinatupad ito ay magkakaroon ng pinakamalaking bangko sa Pilipinas na posibleng magdala ng malaking risk o panganib.
Iginiit ni Hontiveros nakita na sa nakalipas na global financial crisis na ang malalaking bangko ay mas mapanganib, at may posibilidad na magpasok ng mas matinding systemic risk sa financial system.
Sinabi pa ni Hontiveros na hiwalay at magkaiba ang mandato ng LandBank at DBP kaya hindi makatwirang pagsamahin ang dalawang ito.
Ang DBP anya ay nagpondo sa imprastraktura, logistics, at komersyo habang ang LandBank ay inatasan ng estado na tustusan ang pagkuha ng land estates, at tumulong sa maliliit na magsasaka, mangingisda, at benepisyaryo ng Agrarian Reform Program.
Nangako naman si Hontiveros na maghahain ng resolusyon na mananawagan sa Senado na pangalagaan ang katatagan ng financial sector sa pamamagitan ng oversight sa mungkahing merger ng naturang mga bangko.
Kailangan anyang maunawaan ng husto kung ano ang pakinabang ng merger na ito at balansehin ito sa anumang panganib na maidudulot sa ating ekonomiya at financial system.
Ang mga tanong anya na kailangang masagot sa planong merger ng LandBank at DBP ay kung para saan ito at kung sino ang makikinabang.
Napag-alaman din ng senador na hindi sila na-konsulta sa planong merger ang mga empleyado at hindi pa rin nareresolba ang mga personnel at operational issues mula sa LandBank at UCPB merger.