Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa bansa, muling nananawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa gobyerno na magpatupad ng mga hakbangin sa pangangalaga sa mga manggagawa tulad ng ipinatutupad sa United Arab Emirates.
Iminungkahi ni Pimentel ang pagpapatupad ng limitasyon sa trabaho sa mga oras na mataas ang temperatura o matindi ang init gayundin ang pagpapatupad ng occupational heat safety at health protocols.
Iginiit ni Pimentel na dapat makipagtulungan ang Department of Labor and Employment sa pribadong sektor para sa pagbuo ng mga aksyon bilang proteksyon sa mga manggagawa.
Aminado si Pimentel na labis na siyang nag-aalala sa kaligtasan ng mga manggagawa lalo na sa mga nagtatrabaho sa labas at bilad sa araw gaya ng mga construction workers
Kinakailangan aniya silang bigyan ng sapat na proteksyon upang maiwasan ang anumang aksidente dulot ng matinding init ng panahon
Sinabi ni Pimentel na ang naturang mga manggagawa ay may mga pamilya na umaasa sa kanila at ang pagpapalantad sa kanila sa diretsong init ng araw ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang buhay at kaligtasan kayat kailangan silang pangalagaan at protektahan