Bagama’t nasa kapangyarihan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng price ceiling sa bigas, hindi ito ang tunay na solusyon sa problema sa mataas na presyo.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Chiz Escudero sa pagpapaalala na ang pagpapatupad ng price ceiling ay ginagawa lamang sa panahon o emergency o kapag may malawakang “profiteering, hoarding o price manipulation.”
Ang tanong anya kung walang emergency, mayroon bang malawakang hoarding o sadyang tumataas lamang ang presyo dahil mataas ang cost of inputs.
Idinagdag pa ng senador na kung may hoarders o price manipulators, bakit hindi ito inaaresto ng gobyerno?
Ipinaalala no Escudero na ang unang hakbang sa pagresolba ng kahit anong problema ay amining mayroong suliranin at ikalawa ay hanapan ito ng solusyon at iwasang mangyari ulit.
Kailangan din anyang maglaan ng mas malaking pondo sa agrikultura kasabay ng muling puna sa P255 bilyong pondo para sa flood control habang ang agriculture budget ay P181 bilyon lamang.
Iginiit ni Escudero na dapat ilagay ng gobyerno ang pera nito sa mga hakbang upang masolusyunan na ang paulit ulit na problema sa bigas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News