dzme1530.ph

Gobyerno, hinimok bumuo ng Presidential Commission on Rice Sufficiency

Taliwas sa isinusulong ng ilang kongresista na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA), iginiit ni Sen. Imee Marcos na mas makabubuting bumuo ng Presidential Commission on Rice Sufficiency upang lunasan ang mataas na presyo ng bigas.

Bukod dito, iminungkahi rin ng senador na gawing government to government ang importasyon ng bigas.

Isa pa aniya sa posibleng solusyon ay ang direktang pangongontrata sa mga ani ng mga magsasaka at pagkasunduan na ang presyo bago pa sila magtanim at pahintulutann ang mga lokal na pamahalaan na direktang bumili sa kanila tuwing harvest season.

sa ganitong paraan aniya ay matatanggal na ang mga middleman na nagiging dahilan din ng mataas na presyo ng bigas.

Una na ring inirekomenda ng senador na palawigin pa ng anim na taon hanggang 2031 ang paglalaan ng P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Sa kaniyang pagtutol na maibalik ang kapangyarihan ng NFA, ipinaalala ng senador ang mga katiwaliang bumalot sa ahensya sa loob ng nnapakaraming taon na kinabibilangan ng overimportation, overpricing, smuggling, paglalaho ng bigas at mga kickback.

Katunayan aniya nitong Marso lamang ay sinuspinde ng Ombudsman ang ilang opisyal ng NFA dahil sa paluging pagbebenta ng mga imbak na bigas.

About The Author