Hinimok ng ilang senador ang gobyerno na maghanap ng solusyon upang mapalakas ang local rice production sa bansa.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos na magtakda ng price ceiling sa bigas dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo nito.
Para kay Sen. Francis Tolentino, nararapat ang tugon na ginawa ng Pangulo para kontrolin ang inflation, tiyakin ang pagiging abot-kaya sa presyo ng bigas at pangalagaan ang food security sa bansa.
Pero dapat anya sa katagalan ay gumawa ng mga hakbang para mapaigting ang produksyon sa bigas ng mga magsasaka.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na kailangang gawin ng gobyerno ay resolbahin ang problema sa smuggling, profiteering, cartels at hoarding upang maging masagana ang local agricultural industry at maging stable o matatag ang presyo ng mga agri-products.
Umaasa naman si Sen. Sonny Angara na ang ipinatupad na price ceiling ay magbibigay ng sapat na insentibo para makapag-import pa rin upang mapanatili ang suplay sa merkado at mapanatili ang matatag na presyo ng bigas. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News