Hinimok ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang gobyerno gayundin ang pribadong sektor at lahat ng mamamayan na maging handa pa sa mas mainit at tuyot na mga araw bunsod ng epekto ng El Niño hanggang sa unang bahagi ng 2024.
Ito ay matapos i-upgrade ng PAGASA ang El Niño warning sa 80% probability na maaaring tumama sa June-July-August period.
Ayon sa senadora, kaakibat ng El Niño ang kakaunting pag-ulan na maaaring magdulot ng tagtuyot sa bansa.
Kaugnay nito, dapat na aniyang maihanda ang agricultural adaptation program para matugunan ang epekto ng El Niño sa mga magsasaka at mangingisda.
Idinagdag pa ng senador na dapat mamuhunan sa mas magagandang forecasting tools at early warning systems; magkaroon ng maayos na polisiya sa pangangasiwa ng tubig at mga lupain; at pagpapalakas ng tulong para sa mga magsasaka.
Nagpaalala rin si Legarda kaugnay sa matipid na paggamit ng tubig at pagtatatag ng mga rainwater harvesting facilities sa bawat barangay sa bansa na maaaring maging epektibong water conservation program. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News