Pinaiimbestigahan ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar sa kamara ang pagdami ng Online Job Scammers na tumatarget ng kabataang Pilipino.
Sa inihaing House Resolution 899 ng Kongresista, iginiit nitong dapat magkaroon ng ”full-blown investigation” upang maaresto ang mga nasa likod ng illegal recruitments.
Ito ang tugon ni Villar matapos tumaas ang bilang ng mga Pilipinong napapasailalim sa mga sindikato at local placement agencies na nagaalok ng pekeng trabaho.
Gaya na lamang umano ng nangyari sa anim na Pilipinong nag-apply bilang chat support agents sa Thailand, ngunit dinala sa Laos at pinagtrabaho bilang ”Love Scammers”.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mambabatas ang mga job seeker na huwag agad-agad maniwala sa trending posts online na nag-ooffer ng magandang trabaho sa labas ng bansa.