dzme1530.ph

Foreign doctors, iginiit na payagang magpractice sa Pinas sa limitadong panahon

Hinimok ni Sen. Francis Tolentino ang Department of Health na payagan ang temporary practice ng mga dayuhang doktor sa Pilipinas sa limitadong panahon.

Naniniwala si Tolentino na mabebenepisyuhan ng panandaliang practice ng mga dayuhang doktor sa bansa ang local medical industry hindi lamang sa palitan ng mga ideya kundi maging sa aspeto ng paglilipat ng teknolohiya.

Sa impormasyon ng senador, maraming mga doktor mula sa ibayong dagat ang nagnanais nang magsagawa ng medical practice sa Pilipinas subalit nagiging hadlang ang protective policy na ipiatutupad sa bansa.

Binanggit pa ni Tolentino na noong matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda noong November 2013, may grupo ng French at Spanish physicians mula sa Doctors Without Borders ang nasa ground zero sa Tacloban City subalit hindi makagamot ng mga critical patients.

Dahil wala anya silang lisensya para magpractice dito sa bansa kaya’t hanggang first aid procedures lamang sila.

Sa panig naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa sinabi nito na panahon nang i-relax ang polisiya sa bansa.

Isinalaysay pa ng kalihim ang karanasan niya sa Malaysia kung saan siya binigyan ng temporary license gamit lamang ang kanyang Philippine medical license at accreditation sa Philippine Medical Association. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author