Tumaas ng 40% ang naitalang bilang ng insidente ng sunog sa bansa ngayong panahon ng tag-init.
Batay sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP) nasa 1,332 na ang naitalang sunog sa bansa ngayong Abril, kumpara sa 953 naiulat sa kaparehong panahon noong 2022.
Ayon sa BFP, maaaring nagsimula ang sunog dahil sa mataas na demand ng kuryente ngayong summer season kung kaya’t nakompromiso at pumalya ang ilang linya ng kuryente, gayundin ang mga tuyong dahon at damo na madaling masunog ng init ng araw o upos na sigarilyo.
Dahil rito, hinikayat ni DILG sec. Benhur Abalos, Jr. ang mga local government units (LGUs) na makipag-ugnayan sa BFP upang masigurong nasusunod ng mga establisimyento ang mga panuntunan sa ilalim ng Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines (FCP).