Bumaba ng P40 kada kilo ang farmgate price ng sibuyas sa Ilocos Region sa gitna ng mataas na demand sa produkto ngayong holiday season.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, may parating pang 21,000 metric tons ng imported onion, kaya maiiwasan ang posibleng pagsipa ng presyo, makaraang lumobo sa P720 ang kada kilo ng sibuyas noong Disyembre ng nakaraang taon.
Sinabi ni So na magsisimula na rin ang lokal na anihan sa Enero hanggang Pebrero kaya inaasahang bababa pa ang retail price ng sibuyas.
Inihayag naman ni Bureau of Plant Industry Director Glenn Panganiban na lahat ng 21,000 metric tons ng imported na sibuyas ay dapat dumating sa bansa bago o pagsapit ng Dec. 31, makaraang payagan ang pag-aangkat ng 17,000 metric tons ng pulang sibuyas at 4,000 metric tons ng puting sibuyas. —sa panulat ni Lea Soriano