Bumaba ang farmgate prices ng asukal sa 60 pesos per kilo subalit nananatiling mataas ang retail prices nito sa P110 per kilo bunsod ng overpricing.
Sinabi ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Chief Pablo Azcona na ang P110 na kada kilo ng puting asukal ay branded at nabibili sa supermarkets.
Sa monitoring ng Department of Agriculture (DA) sa mga palengke sa Metro Manila, ang retail prices ng refined sugar ay naglalaro sa pagitan ng P80 – P110 per kilo habang ang washed sugar o segunda ay P80 – P95 per kilo at ang brown sugar ay nasa pagitan ng P75-P95 kada kilo.
Tiniyak naman ni Azcona na hindi na mag-a-angkat ng asukal hanggang sa katapusan ng taon matapos mag-import ang bansa ng karagdagang 150,000 metric tons sa ilalim ng sugar Order No. 7.
Ang susunod na importasyon aniya ay sa Abril o Mayo ng 2024 pagkatapos ng milling season. —sa panulat ni Lea Soriano