Kinasuhan ng perjury o pagsisinungaling si dating Tiaong, Quezon Mayor Ramon Preza sa Lucena City Regional Trial Court Branch 53.
Sa resolusyon ng Lucena City Prosecutors Office noong January 11, 2024, ang kaso ay nag-ugat nang akusahan ng dating Alkalde ng kasong pandaraya at panloloko ang negosyanteng si Frankie Ong sa halagang P50-M.
Batay sa resulta ng imbestigasyon, napag-alamang personal na pagkakautang lamang ni Ong kay Preza ang naturang halaga.
Posibleng mahatulan ng hindi bababa sa 6 taon at 1 araw hanggang 10 taon pagkakakulong at multang hindi lalampas sa P1-M si Preza sakaling mapatunayang nagkasala ito.
Ang dating Alkalde ay pansamantalang nakalalaya sa bisa ng inilagak nitong pyansa batay sa warant of arrest na inilabas ng Korte noong January 19, 2024.
Matatandaang, kamakailan lamang nang gumulong ang kasong katiwalian na isinampa laban kay Preza sa Office of the Ombudsman, dahil sa ‘di umanoy paggamit nito ng kanyang impluwensiya para paboran ang ilan sa mga negosyo nito.